Prayoridad ngayon ng Department of Education ang pagkuha sa mga bumabalik na Overseas Filipino Workers (OFW) na dating guro upang punan ang kakulangan sa sektor ng edukasyon sa bansa.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, bahagi ito ng direktiba ni Ferdinand Marcos Jr. upang matugunan ang mga bakanteng posisyon sa mga paaralan.

Isinusulong ng ahensya ang programang Sa ‘Pinas, Ikaw ang Ma’am at Sir (SPIMS), na naglalayong tulungan ang mga gurong OFW na makabalik sa lokal na sistema sa pamamagitan ng pagsasanay at reorientation.

Bukod sa prayoridad sa hiring, nakatakda ring palawakin ang mga benepisyo at oportunidad sa career advancement ng mga guro, kabilang ang mas mabilis na promosyon para sa mga muling papasok sa serbisyo.

Advertisement

Ayon pa kay Angara, isa sa mga pangunahing dahilan ng pag-alis ng mga guro patungong ibang bansa ay ang limitadong oportunidad sa pag-angat sa trabaho at kakulangan ng sapat na suporta sa kanilang propesyon sa loob ng bansa.

Sa pamamagitan ng naturang programa, umaasa ang pamahalaan na mahikayat ang mas maraming guro na manatili o muling maglingkod sa Pilipinas.

Advertisement