Tumaas ng mahigit 5% ang presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan noong Lunes kasunod ng panibagong pangamba sa posibleng pagkasira ng tigil-putukan sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.
Umabot sa $95.46 kada bariles ang Brent crude habang pumalo naman sa $88.89 kada bariles ang U.S. West Texas Intermediate (WTI).
Ayon sa mga ulat, umakyat ang presyo matapos kumpiskahin ng Estados Unidos ang isang Iranian cargo ship at muling isara ang Strait of Hormuz, na dinaraanan ng tinatayang 20% ng pandaigdigang suplay ng langis.
Matatandaang bumagsak ng halos 9% ang presyo ng langis noong nakaraang Biyernes matapos pansamantalang buksan ang nasabing strait, ngunit agad din itong tumaas muli dahil sa panibagong tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Nagbabala ang mga analyst na maaaring magpatuloy ang pabago-bagong galaw ng presyo ng langis habang nananatiling hindi tiyak ang kasunduan sa pagitan ng U.S. at Iran. Posible rin umano itong lalo pang tumaas kung hindi maaayos ang sitwasyon sa Strait of Hormuz.
Samantala, iniulat na halos huminto ang daloy ng mga barko sa nasabing lugar kung saan tatlong vessel lamang ang nakadaan sa loob ng 12 oras, kumpara sa mahigit 20 barko na naitalang dumaan noong nakaraang Sabado.
Sa hiwalay na ulat, nilinaw ng shipping data at mga trader na hindi ipinagbabawal ng China ang pag-export ng refined fuel nito, kundi binabawasan lamang ang dami ng inilalabas sa ibang bansa, kung saan kabilang sa mga nakikinabang ang Malaysia at Australia.














