Naaresto ang isang 39-anyos na lalaki sa isinagawang search warrant operation ng mga awtoridad sa Ocampo, Camarines Sur noong Abril 20, 2026 dahil sa umano’y paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon sa ulat, isinagawa ang operasyon bandang 7:35 ng umaga sa Zone 2, Barangay Ayugan kung saan nadakip ang suspek na alyas “Nono,” residente ng naturang lugar.
Pinangunahan ito ng Camarines Sur Police Provincial Office sa pakikipagtulungan ng Ocampo Municipal Police Station at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Camarines Sur, sa ilalim ng koordinasyon ng PDEA Region V.
Sa operasyon, narekober ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 12 gramo at tinatayang halaga na ₱81,600.
Isinagawa ang marking, inventory, at dokumentasyon ng ebidensya sa mismong lugar ng operasyon sa presensya ng mga saksi at ng suspek, alinsunod sa legal na proseso. Ipinaalam din sa suspek ang kanyang mga karapatan bago siya dinala sa Ocampo Municipal Police Station para sa kaukulang disposisyon.
Gumamit din ang mga operatiba ng body-worn cameras bilang bahagi ng transparency at accountability sa operasyon.














