Kumpirmado ng Malacañang ngayong Huwebes, Abril 23, na susunod ito sa kautusan ng Korte Suprema na maghain ng komento si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kaugnay ng petisyong humihiling na isapubliko ang kanyang medical examination report.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro, igagalang ng Palasyo ang direktiba ng Kataas-taasang Hukuman at ihahain ang kinakailangang paliwanag sa loob ng itinakdang panahon.

Noong Miyerkules, iniutos ng Korte Suprema na magsumite ng komento ang mga respondent na sina Pangulong Marcos at Executive Secretary Ralph Recto sa loob ng hindi na palalawigin pang 10 araw mula sa pagtanggap ng abiso.

Ang kaso ay kaugnay ng petisyon na inihain nina dating House Speaker Pantaleon Alvarez, Virgilio Garcia, Juan Raña, at Raymundo Junia, na humihiling ng writ of mandamus upang obligahin ang Pangulo na sumailalim sa pisikal at mental na pagsusuri, kabilang ang hair follicle drug test.

Advertisement

Hiniling din ng mga petitioner na ipakita ang resulta ng naturang eksaminasyon bilang patunay ng kalusugan at kakayahan ng Pangulo na gampanan ang kanyang tungkulin.

Samantala, nananatili ang posisyon ni Marcos na siya ay nasa mabuting kalusugan at itinanggi rin niya ang mga kumakalat na espekulasyon na siya ay “severely sick.”

Advertisement