Binatikos ni Senadora Imee Marcos ang desisyon ng International Criminal Court na ituloy ang paglilitis laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos kumpirmahin ang mga kasong crimes against humanity laban sa kanya.
Sa isang pahayag nitong Huwebes, iginiit ni Marcos na ang hakbang ng ICC ay nagbubukas ng seryosong katanungan hinggil sa umano’y “selectivity” at “fairness” sa pagpapatupad ng international justice.
Ayon sa senador, may umiiral umanong persepsyon na mas tinututukan ng international court ang mga kaso laban sa maliliit na bansa, habang ang malalaking bansa ay hindi napapanagot sa kaparehong mga alegasyon.
Nagbabala rin siya na ang anumang hakbang na lumalampas sa mga “constitutional safeguards” para sa layuning politikal ay maaaring magpahina sa tiwala ng publiko sa mga institusyon at sa umiiral na rule of law.
Binigyang-diin din ni Marcos, na kilalang kaalyado ni Duterte, ang isyu ng hurisdiksyon ng ICC, na aniya’y taliwas sa naging desisyon ng Pilipinas na kumalas sa Rome Statute.
Samantala, sa desisyon ng ICC Pre-Trial Chamber I, sinabi ng korte na may sapat na batayan upang paniwalaan na si Duterte ay may pananagutan sa crimes against humanity, kabilang ang murder at attempted murder.
Ayon pa sa ICC, ang mga nasabing krimen ay bahagi umano ng isang malawak at sistematikong pag-atake laban sa mga sibilyan sa Pilipinas mula Nobyembre 1, 2011 hanggang Marso 16, 2019, kaugnay ng kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte.














