Naiuwi na sa Kolambogan, Lanao del Norte ang mga labi ng isang Pilipina na kabilang sa mga nasawi sa missile attack sa Haifa, Israel noong Abril 5, 2026.

Kinilala ang biktima na si Lucille Jean Olasiman Gersovich, na nasawi sa gitna ng umiigting na tensyon sa Gitnang Silangan na kinasasangkutan ng Estados Unidos, Israel, at Iran.

Ayon sa kanyang ina na si Lucita Olasiman, labis ang kanilang pagdadalamhati matapos ipabatid ng Embahada ng Pilipinas sa Israel ang malungkot na balita. Nilinaw rin ng pamilya na hindi nurse si Lucille at lumipat lamang siya sa Israel anim na buwan na ang nakalilipas matapos pakasalan ang kanyang asawang Israeli na nakilala niya sa Cebu.

Ayon sa ulat, nasawi rin sa insidente ang kanyang asawa at mga biyenan matapos tamaan ng missile ang bahay ng pamilya ng kanyang asawa. Nabatid din na kalalabas lamang sa ospital ng biyenan niyang lalaki bago ang trahedya.

Advertisement

Lubos ang pighati ng pamilya dahil sa pagkamatay ng buong mag-anak, habang iginiit nila ang matinding epekto ng gulo sa mga inosenteng sibilyan.

Magaganap ang libing ni Lucille sa Linggo, Abril 26, 2026. Samantala, ilang kinatawan mula sa Embahada ng Israel ang dumalaw sa burol upang makiramay at magbigay ng tulong sa naulilang pamilya.

Advertisement