Dismayado umano si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos mabigong maibalik sa Pilipinas ang puganteng si Zaldy Co, ayon sa Malacañang.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, personal niyang nakausap ang Pangulo na umaming “disappointed” dahil malapit na sanang maisakatuparan ang repatriation ni Co.

Gayunman, hindi ito natuloy bunsod ng umiiral na mga proseso sa ibang bansa na may kaugnayan sa kaso ng dating kongresista.

Ipinaliwanag ng Malacañang na ang naging isyu ay may kinalaman umano sa paggamit ng invalid documentation, kaya nananatili sa Czech Republic ang hurisdiksyon sa mga susunod na hakbang sa kaso ni Co.

Advertisement

Nilinaw rin ng Palasyo na wala itong nakikitang dahilan upang humingi ng paumanhin ang Pangulo sa publiko, sa kabila ng pagkadismaya ng ilang mamamayan sa hindi natuloy na pagbabalik ng dating mambabatas.

Giit ni Castro, ginawa ng administrasyon ang lahat ng nararapat na hakbang upang maproseso ang kaso at masiguro ang kanyang pag-uwi.

Nanindigan din ang Malacañang na walang mali sa naging pahayag ng Pangulo kaugnay ng pagkakadakip kay Co sa Prague.

Umaasa naman ang pamahalaan na sa pamamagitan ng mas pinaigting na kooperasyon ng mga bansa sa ilalim ng United Nations Convention Against Corruption, ay mapapabilis ang proseso para sa posibleng pagbabalik sa Pilipinas ni Co, na nahaharap sa mga kasong may kinalaman sa korapsyon sa flood control projects.

Advertisement