Bibiyahe sa Rome ngayong linggo si U.S. Secretary of State Marco Rubio para sa mga posibleng tensyonadong pagpupulong kina Pope Leo at Italian Prime Minister Giorgia Meloni, kasabay ng lumalalang alitan ng Washington at mga kaalyado nito dahil sa patuloy na digmaan sa Iran.
Ayon sa U.S. State Department, ang tatlong araw na biyahe ni Rubio ay layong palakasin ang ugnayang bilateral ng Estados Unidos sa Italy at Vatican, at pag-usapan ang sitwasyon sa Middle East at iba pang isyung pangseguridad.
Nakatakdang makipagkita si Rubio kay Pope Leo sa Vatican, kung saan inaasahang tatalakayin ang tensyon sa Middle East at iba pang global concerns. Ang Papa ay naging bukas sa kanyang kritisismo sa U.S.-Israeli war sa Iran at sa ilang polisiya ng administrasyong Trump, kabilang ang immigration.
Lumabas din ang ulat ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng Vatican at Washington matapos punahin ni US President Donald Trump ang Papa sa social media, na nagdulot ng reaksyon mula sa iba’t ibang sektor ng mga Kristiyano.
Kasabay nito, makikipagpulong si Rubio kay Meloni at Italian Foreign Minister Antonio Tajani upang talakayin ang “shared security interests” at strategic alignment, sa gitna ng tensyon sa loob ng NATO.
Umiigting ang alitan matapos punahin ni Trump ang ilang NATO allies dahil sa umano’y kakulangan ng suporta sa operasyon sa Iran, at banta pa ang posibleng pagbawas ng presensya ng U.S. troops sa Germany, Spain, at Italy.
Ayon sa Italy, tutol ito sa anumang plano na magbawas ng pwersang militar ng Estados Unidos sa kanilang bansa.














