Muling nagbuga ng abo ang Kanlaon Volcano sa Negros Island ngayong Martes ng umaga, Mayo 5 ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), kasabay ng patuloy na pagtaas ng aktibidad nito.

Ayon sa PHIVOLCS, naitala ang ash emission events bandang 5:32 a.m. at 6:01 a.m., kung saan umabot sa 800 metro ang taas ng kulay abong plume mula sa bunganga ng bulkan bago tinangay pa-kanluran.

Ang mga pangyayari ay naitala ng monitoring cameras sa Kanlaon Volcano Observatory sa Canlaon City.

Nanatili sa Alert Level 2 ang Kanlaon Volcano, na nangangahulugang may umiiral na pagtaas ng unrest at posibleng magpatuloy ang aktibidad nito.

Advertisement

Sa loob ng 24 oras na monitoring, nakapagtala ang PHIVOLCS ng limang ash emission events na tumagal mula tatlo hanggang 60 minuto, at 22 volcanic earthquakes kabilang ang limang tremors na umabot ng dalawa hanggang 39 minuto.

Naitala rin ang sulfur dioxide flux na 2,975 tonelada, habang ang plume emissions ay umabot hanggang 1,500 metro at tinangay sa kanluran, timog, at timog-silangan.

Ipinakita rin ng ground deformation data na nananatiling inflated ang bulkan, indikasyon ng patuloy na aktibidad sa ilalim nito.

Mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng apat na kilometrong Permanent Danger Zone, habang pinapayuhan din ang mga piloto na iwasan ang paglipad malapit sa bulkan dahil sa banta ng biglaang ash emissions.

Binalaan ng PHIVOLCS ang publiko sa posibilidad ng phreatic eruptions at iba pang hazard habang patuloy ang pagmamanman sa Kanlaon Volcano.

Advertisement