Haharap sa kasong robbery by extortion ang founder ng isang online media network na si Franco Mabanta at apat pang indibidwal matapos ang isinagawang entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa umano’y P300 milyong pangingikil na kinasasangkutan ni dating Speaker Martin Romualdez.

Sa panayam ng mga mamamahayag kay Melvin Matibag, Director ng NBI, sinabi niya na ang kaso ay ibinabatay sa mga ebidensyang nakalap sa isinagawang operasyon at iginiit na ang tinutugis ng ahensya ay mga kriminal na gawain at hindi ang opinyon o kritisismo sa media.

Ayon kay Matibag, sangkot umano ang mga suspek sa paggamit ng social media upang kumita nang ilegal sa pamamagitan ng pangingikil.

Lumabas sa imbestigasyon na nagbanta umano ang mga suspek na maglalabas ng mga video na makakasira sa complainant kung hindi maibibigay ang hinihinging halaga.

Advertisement

Sinabi rin ng NBI na nagsimula umano ang negosasyon isang taon na ang nakalipas na may mas mababang halaga, ngunit muling umigting dalawang linggo na ang nakaraan kung saan umabot sa P350 milyon ang demand bago umano ito itinakda sa P300 milyon bilang “take it or leave it” na alok.

Naging komplikado umano ang operasyon matapos tumanggi ang pangunahing suspek na personal na tanggapin ang pera sa isinagawang entrapment.

Dahil dito, pansamantalang pinalaya ng mga awtoridad ang suspek habang isinasagawa ang surveillance operation na kalaunan ay nagdala sa kanila sa isang lokasyon sa Pasig City kung saan umano dapat ihahatid ang pera.

Ayon sa NBI, doon na inaresto si Mabanta kasama ang iba pang indibidwal na hinihinalang kasabwat sa umano’y sabwatan para sa extortion.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng ahensya at inaasahang mas marami pang personalidad ang maaaring madawit sa kaso.

Sinusuri na rin ng NBI ang mga gadgets, social media accounts, at iba pang digital evidence na konektado umano sa Peanut Gallery Media Network.

Binigyang-diin naman ni Matibag na hindi dapat iugnay ang operasyon sa usapin ng press freedom.

Aniya, pinoprotektahan ng pamahalaan ang kalayaan sa pamamahayag, ngunit mananagot ang sinumang mapapatunayang sangkot sa kriminal na aktibidad.

Posible rin umanong magrekomenda ng mga panibagong batas kaugnay sa paggamit ng social media upang maiwasan ang tinatawag na “weaponization” nito para sa pangingikil at paninira.

Advertisement