Target ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na matapos ang pamamahagi ng cash relief assistance para sa mga public utility vehicle (PUV) drivers sa Mayo 20, ayon sa ahensya.
Ayon kay DSWD spokesperson at Assistant Secretary Irene Dumlao, inatasan ni Secretary Rex Gatchalian ang Operations Cluster na tapusin ang lahat ng payout activities sa itinakdang petsa, bilang bahagi ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT).
Ang DSWD ay namamahagi ng tig-P5,000 na cash assistance sa mga kwalipikadong PUV drivers upang makatulong sa epekto ng mataas na presyo ng gasolina na dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan.
Sinabi rin ng ahensya na ipagpapatuloy ang payout para sa Transport Network Vehicle Service (TNVS) drivers, motorcycle taxi riders, at service delivery riders sa Mayo 11.
Ayon kay Dumlao, makikipagtulungan ang transport network companies (TNCs) sa logistics, kabilang ang pagpili ng venue at pagsasaayos ng iskedyul ng payout, habang ang DSWD naman ay tututok sa distribusyon ng ayuda at information dissemination.
Dagdag pa niya, naisaayos na ng ahensya ang master list ng mga benepisyaryo matapos alisin ang duplicate at erroneous entries sa pamamagitan ng reconciliation ng mga datos.
Ipagpapatuloy din ng DSWD Field Offices ang payout sa mga PUV drivers sa labas ng Metro Manila, habang hinihikayat ang mga benepisyaryo na sumubaybay sa opisyal na Facebook page ng ahensya para sa mga update sa iskedyul ng distribusyon.














