Kinumpirma ng International Criminal Court na naglabas ito ng warrant of arrest laban kay Senador Ronald dela Rosa kaugnay ng umano’y mga pagpatay sa ilalim ng war on drugs ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Batay sa 16-pahinang dokumento ng ICC, ang naturang arrest warrant ay “classified as secret” ngunit maaaring ibahagi sa mga estado, international organizations, at iba pang awtorisadong indibidwal. Ayon sa tagapagsalita ng ICC na si Orianne Maillet, kinumpirma ng tribunal na lehitimo ang dokumentong kumalat sa media.

“This arrest warrant against Mr. Ronald Marapon Dela Rosa was issued confidentially, under seal, by Pre-Trial Chamber I of the ICC on 6 November 2025,” ayon kay Maillet.

Nakasaad sa warrant na may “reasonable grounds” upang paniwalaang si dela Rosa ay “indirect co-perpetrator” sa kasong crimes against humanity of murder mula Hulyo 3, 2016 hanggang Abril 2018. Ayon pa sa imbestigasyon, hindi bababa sa 32 katao ang umano’y napatay sa iba’t ibang operasyon ng mga law enforcement personnel at mga di-umano’y auxiliary actors sa kasagsagan ng kampanya kontra droga.

Advertisement

Si dela Rosa, na dating hepe ng Philippine National Police, ay isa sa mga pangunahing personalidad sa implementasyon ng war on drugs campaign.

Giit ng ICC prosecution, kinakailangan ang agarang pag-aresto kay dela Rosa upang matiyak ang kanyang pagharap sa korte at maiwasan ang umano’y panghihimasok sa imbestigasyon. Binanggit din sa dokumento ang mga ulat na umano’y pagbabanta ni dela Rosa sa isang ICC investigator at pagtawag sa ilang cooperating individuals bilang “traitors,” na nagpalakas sa desisyon ng korte para sa arrest warrant.

Samantala, tinangka ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation na isilbi ang warrant habang nasa Senado si dela Rosa, ngunit hindi ito naisakatuparan dahil sa umiiral na constitutional provisions na ipinatutupad ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso.

Advertisement