Inaresto ng mga awtoridad ang isang driver ng NBI matapos umanong magpaputok ng baril sa loob ng Senado sa Pasay City nitong Miyerkules ng gabi, ayon sa ulat ng pulisya.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Mel Oragon,” isang 44-anyos na lalaking empleyado bilang driver sa NBI, batay sa police report na nakuha ng Southern Police District (SPD).
Ayon sa paunang imbestigasyon, armado umano ang suspek ng hindi pa matukoy na kalibre ng baril at nagpaputok ng ilang beses sa loob ng Senate building bandang 7:50 p.m., dahilan upang magdulot ng panic at alarma sa mga tao sa loob ng GSIS Compound.
Agad naman siyang naawat at naaresto ng mga miyembro ng Senate Security Detachment matapos ang insidente.
Patuloy pa ring nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad kabilang ang pangangalap ng ebidensya, pagkuha ng testimonya ng mga saksi, at background verification upang matukoy ang motibo ng suspek.
Inihahanda na laban sa kanya ang mga kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, alarms and scandals, grave threats, direct assault, at paglabag sa security regulations ng Senado.
Isinailalim din ang suspek sa paraffin examination habang nasa loob pa ng Senado.
Samantala, sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na walang opisyal na NBI agents na ipinadala sa Senado kasunod ng insidente ng putukan.
Ayon naman kay PNP spokesperson Police Brigadier General Randulf Tuaño, kasalukuyang nasa kustodiya ng Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) ang suspek habang iniimbestigahan ng CIDG at Pasay City Police.
Dagdag pa niya, may ilang pangalan umanong ibinigay ang suspek sa mga imbestigador ngunit patuloy pa itong bineberipika ng mga awtoridad.
Nilinaw rin ng OSAA na ang kanilang personnel ay nagpaputok lamang bilang tugon sa insidente.
Sa kabila ng tensyon, kinumpirma ng pulisya na wala namang naiulat na nasawi o nasugatan sa nangyaring putukan.
Patuloy ang forensic examination at security sweep operations sa buong Senado habang iniimbestigahan kung may kaugnayan ang insidente sa umano’y planong pag-aresto kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa.














