Nagbabala si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na maaaring maging “bad precedent” ang pagbibigay umano ng Senado ng protective custody kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa, na posibleng makaapekto sa tiwala ng publiko sa pagpapatupad ng batas at sistema ng hustisya.

Ayon kay Matibag, kung pahihintulutan na magamit ang Senado bilang kanlungan ng isang indibidwal na may kinahaharap na arrest warrant, maaari itong magbigay ng impresyon na may mga institusyong puwedeng takasan ang pananagutan sa ilalim ng batas.

Binigyang-diin ng NBI Director na posibleng magdulot ito ng “breakdown of law and order” kung magpapatuloy ang ganitong sitwasyon, lalo na kung hindi malinaw ang hangganan ng kustodiya ng isang mambabatas na may legal na kinahaharap.

Dagdag pa niya, may pananagutan ang sinumang tumatanggap ng kustodiya sa isang indibidwal na kalaunan ay maaaring hindi maipatupad ang batas laban dito, at inihalintulad niya ito sa tungkulin ng isang baggage counter sa pag-iingat ng iniwang gamit ng customer.

Advertisement

Si Senador Ronald “Bato” dela Rosa ay kabilang sa mga personalidad na iniugnay sa isyu ng pagpapatupad ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.

Samantala, patuloy na iginiit ng NBI na tungkulin nilang ipatupad ang mga legal na utos alinsunod sa umiiral na proseso at koordinasyon ng mga ahensya ng pamahalaan.

Advertisement