Mariing itinanggi ni dating AnaKalusugan Party-list Representative Mike Defensor na humingi o tumanggap siya ng anumang pabor kapalit ng campaign donation na ibinigay niya kay Senador Rodante Marcoleta noong 2025 midterm elections.

Ayon kay Defensor, hindi maaaring maituring na plunder ang naturang donasyon dahil wala umano itong kaugnayan sa paglustay ng pondo ng gobyerno o anumang kapalit na transaksyon.

Giit niya, ang campaign donation ay dati nang na-dismiss ng Commission on Elections o Comelec at wala umanong basehan upang iugnay ito sa kasong plunder.

“Ang plunder, kailangan ng pondo ng gobyerno, ninakaw natin, o ‘di kaya may ibinigay na pera pagkatapos may kapalit. Eh wala namang kapalit, wala namang hiningi,” pahayag ni Defensor.

Advertisement

Nahaharap sina Marcoleta, Defensor, at dalawa pang iba sa reklamong plunder at indirect bribery na isinampa ng mga prosecutor ng Office of the Ombudsman kaugnay ng umano’y pagtanggap ng P75 million campaign donation.

Samantala, naglabas naman ang Sandiganbayan Seventh Division ng precautionary hold departure order laban sa mga respondent upang pigilan silang makaalis ng bansa habang dinidinig ang kaso.

Advertisement