Iginiit ng Department of Justice (DOJ) na hindi kinakailangang pampublikong pondo ang sangkot upang maisampa ang kasong plunder laban sa isang opisyal ng gobyerno. Ito ang naging pahayag ng DOJ kasunod ng pag-aresto kay Senador Rodante Marcoleta kaugnay ng umano’y hindi idineklarang ₱75 milyong campaign donation noong 2025 midterm elections mula kina dating Congressman Mike Defensor at mga negosyanteng sina Joseph Espiritu at Aristotle Viray.
Ayon kay Justice Undersecretary Nicholas Felix Ty, batay sa Republic Act No. 7080 o Anti-Plunder Law, may anim na paraan kung paano maituturing na “ill-gotten wealth” ang isang yaman. Kabilang dito ang direkta o hindi direktang pagtanggap ng anumang benepisyong pinansyal mula sa isang tao na may kaugnayan sa kontrata ng gobyerno o dahil sa posisyon ng isang opisyal sa pamahalaan.
Binigyang-diin ni Ty na malinaw sa batas na hindi kailangang mula sa pondo ng gobyerno ang perang sangkot upang maipagpatuloy ang pag-uusig sa kasong plunder. Hinikayat din niya ang publiko at ang media na basahin ang Anti-Plunder Law dahil simple at malinaw umano ang nilalaman nito.
Samantala, sinabi ni Justice Undersecretary Ian Norman Dato na ipinagbabawal din ng batas ang pagbibigay at pagtanggap ng regalo, komisyon, at iba pang benepisyo ng mga opisyal ng gobyerno. Aniya, sa ilalim ng Presidential Decree No. 46 at iba pang batas laban sa katiwalian, maaaring managot kapwa ang nagbibigay at tumatanggap ng mga naturang benepisyo, at bawat transaksyon ay maaaring maging hiwalay na kaso.
Sa kabila nito, mariing itinanggi ni Senador Marcoleta ang mga paratang at sinabing layunin lamang ng kaso na patahimikin siya at pigilan siyang ilantad ang umano’y anomalya sa mga flood control project. Hanggang Lunes, nasa kustodiya na ng mga awtoridad sina Marcoleta, Defensor at Espiritu at nakatakdang ikulong sa Payatas City Jail.












