Muling nakapasa ang Metropolitan Naga Water District (MNWD) sa ISO 9001:2015 Recertification Audit, na nagpapatunay sa patuloy nitong pagsunod sa mga pamantayan ng maayos na pamamahala at pagbibigay ng de-kalidad na serbisyo sa mga konsyumer.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga ki Choppy Dy-Liacco dela Cruz, Public Information Officer, Metropolitan Naga Water District, ipinaliwanag nito na layunin ng ISO audit na suriin ang mga proseso at pinakamahuhusay na gawain sa bawat departamento ng ahensya, kabilang ang mga teknikal na tanggapan, finance at administration.

Ayon kay de la Cruz, bagama’t nakapasa ang distrito sa recertification audit, mayroon pa ring mga rekomendasyon ang mga auditor na kailangang tugunan upang higit pang mapabuti ang operasyon at serbisyo ng bawat departamento.

Kabilang sa mga binibigyang-pansin ang regular na pagpapanatili ng mga pumping station, pagsusuri sa kalidad ng tubig, agarang pagkukumpuni ng mga sirang pasilidad at mabilis na pagtugon sa mga reklamo ng konsyumer, partikular sa mga problema sa mahinang pressure ng tubig, water interruption at mga tagas.

Advertisement

Tiniyak din ng opisyal na patuloy na minomonitor ng internal audit ng MNWD ang pagsasagawa ng mga rekomendasyong inilatag ng mga ISO auditor upang matiyak na naipatutupad ang mga kinakailangang pagbabago.

Samantala, kabilang sa mga hakbang na isinusulong ng MNWD ang pagpapalit at pagkukumpuni ng mga lumang transmission line, paghahanap ng karagdagang mapagkukunan ng tubig at pagpapalawak ng kakayahan ng mga pumping station.

Inihayag din ni de la Cruz na nakatakdang simulan sa Nobyembre ang bidding para sa mga proyektong popondohan mula sa hiniram na pondo, habang target namang masimulan sa Enero ang mga kinakailangang gawain sa transmission line.

Bukod dito, inaasahan ang groundbreaking sa Nobyembre 6 para sa isang proyektong pangdagdag-suplay ng tubig mula sa surface water, katuwang ang Camarines Sur at iba pang kinauukulang water district, ayon sa pahayag ng opisyal.

Samantala, naging maayos naman ang operasyon ng MNWD nitong Undas, kung saan minor complaints lamang ang natanggap at agad na naaksyunan ng kanilang mga tauhan sa pamamagitan ng nakaaktibong Quick Response Team at Task Force na nakaantabay 24 oras.

Sa kabila nito, aminado ang opisyal na may ilang lugar pa ring nakararanas ng mahinang pressure ng tubig, partikular sa Line 1, bunsod ng patuloy na pagbaba ng lebel ng tubig mula sa dalawang pangunahing spring source na nagsusuplay rito.

Hinimok ni de la Cruz ang publiko na patuloy na magtipid at gumamit nang wasto ng tubig, lalo na’t nagpapatuloy ang epekto ng El Niño.

Binigyang-diin niyang patuloy na gagawin ng MNWD ang mga kinakailangang hakbang upang mapanatili ang suplay ng tubig at higit pang mapahusay ang serbisyong ipinagkakaloob sa mga konsyumer.

Advertisement