Nagpahayag ng pagtataka si Senator-judge Erwin Tulfo sa malaking pagtaas ng sales ng GenCorp Industries Inc. matapos maupo si Sara Duterte bilang Bise Presidente ng bansa.

Sa ika-42 araw ng impeachment trial, tinanong ni Tulfo ang testigo ng depensa na si Atty. Suzette Balucanag-Punay kung anong mga produkto ang ibinebenta ng kumpanya na naging dahilan ng biglaang pagtaas ng kita nito.

Ayon sa senador, mula sa tinatayang P28 milyon na sales noong 2021, umakyat umano ito sa P300 milyon at halos P1 bilyon ang naitalang benta mula 2022 hanggang 2024.

Dahil dito, inusisa ni Tulfo kung may posibleng conflict of interest sa pagtaas ng sales ng kumpanya kasabay ng panunungkulan ni Duterte bilang Bise Presidente.

Advertisement

Ipinaliwanag naman ni Balucanag-Punay na may limang branch ang GenCorp at nakaugnay ang paglago ng kanilang kita sa pagdami ng mga Jollibee store na kanilang pinagsisilbihan.

Si Balucanag-Punay ang ikaapat na testigo ng depensa na humarap sa impeachment trial upang magbigay-linaw sa Article II, na tumatalakay sa alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman ng Bise Presidente.

Advertisement