Hinihintay na ng Senate Impeachment Court ang kumpletong written manifestations ng Defense at House Prosecution panel kaugnay ng mga umano’y paglabag ng magkabilang panig sa sub judice rule.

Matatandaang noong ika-42 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, nagpahayag ang Defense ng intensyong ipabatid sa korte ang mga napansin nilang paglabag ng House Prosecution sa naturang panuntunan. Bilang tugon, iginiit naman ng mga prosecutor na mayroon ding mga paglabag ang kabilang panig.

Samantala, inihayag ni Trial Presiding Officer Chiz Escudero na may dalawa rin siyang napansing posibleng paglabag sa sub judice rule na plano niyang talakayin sa korte sa tamang panahon.

Batay sa mga panuntunan ng Impeachment Court, ang unang paglabag sa sub judice rule ay maaaring patawan ng admonition o pormal na pagsaway. Para naman sa mga susunod na paglabag, maaaring magpataw ng multang P30,000 sa bawat insidente at bawiin ang pahintulot ng isang indibidwal na humarap sa Impeachment Court.

Advertisement

Ayon kay Impeachment Court Spokesperson Atty. Reginald Tongol, naghain na ng manifestation si Defense lead counsel Atty. Sheila Sison laban kay private prosecutor Benjamin Tolosa Jr. kaugnay ng mga pahayag nito sa isang kamakailang press conference.

Sa kabilang banda, ipinaalam din ng House Prosecution sa korte ang plano nitong maghain ng reklamo kaugnay ng umano’y paulit-ulit na pagkuwestiyon ni Duterte sa integridad ng Impeachment Court at ng mga senador na nagsisilbing hukom.

Kapag natanggap na ang kumpletong written manifestations ng dalawang panig, rerepasuhin ni Trial Presiding Officer Chiz Escudero ang mga ito upang masuri ang mga posibleng paglabag ng bawat panel.

Advertisement