Naniniwala ang House prosecution panel na nararapat nang malaman ng publiko ang magiging kahihinatnan ng impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte, kasunod ng ilang taong imbestigasyon at mga prosesong isinagawa ng Kongreso kaugnay ng mga alegasyon laban sa kanya.

Sa isang press briefing nitong Biyernes, Nobyembre 13, iginiit ni House lead prosecutor at Batangas Representative Gerville Luistro na panahon na upang mabigyan ng pagkakataon ang publiko na masaksihan ang magiging resulta ng impeachment trial.

Ayon kay Luistro, matagal nang sinusubaybayan ng sambayanang Pilipino ang mga imbestigasyon at pagdinig na may kaugnayan sa mga paratang laban sa Bise Presidente. Dahil dito, nararapat lamang umano na magkaroon na ng malinaw na pagtatapos ang naturang proseso.

Binigyang-diin din ng mambabatas na hindi lamang ang prosecution at defense panels ang dapat makaalam sa magiging desisyon ng impeachment court, kundi pati ang publiko na matagal nang naghihintay sa kahihinatnan ng kaso.

Advertisement

“We deserve a conclusion after years of congressional investigations and impeachment proceedings. It’s about time we let the people witness the result of this impeachment process,” pahayag ni Luistro.

Nauna nang nagpahayag si Luistro ng pagnanais na makapaglabas ng desisyon ang Senate Impeachment Court bago sumapit ang Pasko, anuman ang maging resulta ng paglilitis.

Sa kasalukuyan, nakatuon na lamang ang impeachment trial sa Article II ng reklamo, na tumatalakay sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman ni Duterte, kabiguang ideklara ang ilang ari-arian at hindi pag-alis sa mga interes sa negosyo.

Samantala, inaasahang magpapatuloy ang impeachment trial sa Nobyembre 19 matapos pansamantalang suspendihin ang mga pagdinig bunsod ng pagho-host ng Pilipinas sa ASEAN Summit.

Advertisement