Inihahanda na ng Naga City Police Station 1 ang kaukulang kaso laban sa isang estudyanteng nagpositibo sa drug test matapos umanong makuhanan ng marijuana residue sa Sabang, Naga City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Police Major Rowena B. Lim, Station Commander ng Naga City Police Station 1, sinabi nitong isinailalim na sa kaukulang proseso ang estudyante at nakipag-ugnayan na rin ang kapulisan sa City Social Welfare and Development (CSWD) para sa mga susunod na hakbang.
Kabilang din sa isinagawang koordinasyon ang mga magulang ng estudyante upang matiyak ang angkop na pag-asikaso sa nasabing insidente.
Samantala, sinabi ni Lim na regular ang pakikipag-ugnayan ng kapulisan sa mga paaralan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga symposium at pagtatatag ng Police Assistance Desk upang matugunan ang mga pangangailangan at alalahanin ng mga mag-aaral.
Ayon sa opisyal, maituturing na isolated incident ang naturang kaso.














