Masusing pag-aaralan ng Department of Justice (DOJ) ang ulat ng Truth Commission na nagtatala ng 8,320 na nasawi na may kaugnayan sa kampanya kontra droga noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte mula 2016 hanggang 2022.

Ayon sa Truth Commission, maaari pang madagdagan ang bilang dahil hindi pa kumpleto ang kanilang Victims Registry. Nakabatay ang mga naitalang datos sa mga isinagawang imbestigasyon, ulat ng media, dokumento ng pamahalaan at simbahan, testimonya ng mga nakaligtas at pamilya ng mga biktima, gayundin sa mga forensic review.

Nilinaw din ng komisyon na iba ang kanilang naitalang bilang sa opisyal na datos ng pamahalaan na nagsasaad na 6,252 ang nasawi sa anti-drug operations hanggang Mayo 2022.

Sa tala ng komisyon, karamihan sa mga nasawi ay nasa edad 25 hanggang 54, kabilang ang 60 menor de edad na 18 anyos pababa. Pinakabata sa mga naitalang biktima ang isang taong gulang lamang.

Advertisement

Samantala, sinabi ni Justice Secretary Fredderick Vida na susuriin ng binuong panel ng DOJ ang mga natuklasan ng Truth Commission sa oras na pormal nang maisumite sa kanilang tanggapan ang naturang ulat.

Advertisement