Kinuwestiyon ni Vice President Sara Duterte ang desisyon ng Supreme Court (SC) na ibasura ang mga petisyong kumukuwestiyon sa pag-aresto at paglilipat kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kustodiya ng International Criminal Court (ICC).

Ayon sa Bise Presidente, hindi dapat basta na lamang ibasura bilang moot and academic ang mga petisyon dahil nakapaloob dito ang mahahalagang usapin hinggil sa pambansang soberanya, pananagutan sa ilalim ng Konstitusyon, at tungkulin ng pamahalaan na pangalagaan ang buhay at kalayaan ng mga Pilipino laban sa posibleng pakikialam ng dayuhan.

Advertisement

Inihain ang mga petisyon nina Davao City First District Representative Paolo Duterte, Davao City Mayor Sebastian Duterte, at Veronica Duterte sa ngalan ng kanilang ama.

Gayunman, ibinasura ng Supreme Court ang mga kaso matapos nitong ideklarang moot and academic ang mga ito, dahil nasa kustodiya na ng ICC sa The Hague ang dating Pangulo.

Nahaharap si FPRRD sa mga kasong crimes against humanity kaugnay ng mga umano’y pagpatay sa ilalim ng kanyang kampanya kontra droga.

Samantala, nagpahayag naman ang Malacañang na iginagalang ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang naging desisyon ng Korte Suprema.

Binigyang-diin din ng Palasyo na kinikilala ng korte ang hurisdiksiyon ng ICC sa mga umano’y krimeng naganap noong miyembro pa ng Rome Statute ang Pilipinas, bago naging epektibo ang pagkalas ng bansa rito noong 2019.

Advertisement