Umaasa ang pamunuan ng Barangay San Felipe na magbubukas ng mas maraming oportunidad sa trabaho, negosyo, at pamumuhunan ang pagkakamit ng Naga City ng Highly Urbanized City (HUC) status.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga ki Alfonso Rodriguez | Barangay Captain, San Felipe, Naga City, sinabi nitong isang mahalagang pagkilala ang pagiging Highly Urbanized City ng Naga, lalo’t kabilang ito sa iilang lungsod sa bansa na nakamit ang naturang klasipikasyon at kauna-unahan umano sa Bicol Region.

Gayunman, binigyang-diin nito ang pangangailangang higit pang maunawaan ng mga residente ang mga pagbabagong kaakibat ng bagong katayuan ng lungsod, gayundin ang mga posibleng benepisyong maidudulot nito sa kanilang pamumuhay.

Advertisement

Inaasahan din ng opisyal na higit na mapalalakas ang ekonomiya ng Naga sa pagpasok ng mga bagong mamumuhunan, na maaaring magbukas ng karagdagang oportunidad sa trabaho at kabuhayan para sa mga residente.

Kasabay nito, binigyang-diin ang kahalagahan ng pagpapaunlad ng mga imprastraktura at pangunahing pasilidad, kabilang ang pagpapabuti ng daloy ng trapiko at iba pang serbisyong kinakailangan ng patuloy na lumalaking populasyon ng lungsod.

Umaasa rin si Rodriguez na mabibigyan ng sapat na atensyon at prayoridad ang mga pangangailangan ng mga barangay sa ilalim ng bagong klasipikasyon ng Naga City.

Dagdag pa nito, mahalaga ang maayos na pagpaplano at unti-unting pagpapatupad ng mga programang pangkaunlaran upang direktang maramdaman ng mga residente ang mga benepisyo ng pagiging Highly Urbanized City.

Nanawagan din ito sa mga barangay at mamamayan na aktibong makilahok sa mga programa at usaping may kaugnayan sa pagpapaunlad ng Naga City.

Binigyang-diin nito na hindi lamang ang pamahalaang lungsod at mga opisyal ng barangay ang may responsibilidad sa pagsusulong ng kaunlaran, kundi maging ang bawat residente na may mahalagang papel sa pagkamit ng mga layunin ng lungsod.

Advertisement