Nakahanda na ang Commission on Elections (COMELEC) Naga City Office sa pagsisimula ng voter registration sa Disyembre 1, 2026, na magtatagal hanggang Hulyo 30, 2027.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Atty. Maico Julia Jr., Election Officer ng COMELEC-Naga, sinabi nitong nakahanda na ang kanilang tanggapan sa pagtanggap ng mga aplikante para sa pagpaparehistro ng mga bagong botante at muling pagpapaaktibo ng mga deactivated voters.

Ayon kay Julia, maglalaan ang kanilang opisina ng limang personnel upang asikasuhin ang mga aplikante. Bukod sa kanilang tanggapan, magsasagawa rin ng satellite registration sa 27 barangay ng Naga City, kabilang ang mga paaralan at shopping malls, upang mas mailapit sa publiko ang kanilang serbisyo.

Target naman ng COMELEC-Naga na makapagtala ng humigit-kumulang 1,000 bagong rehistradong botante kada buwan o kabuuang 8,000 sa buong registration period.

Advertisement

Samantala, tinatayang wala pang 500 deactivated voters ang inaasahang mag-aapply upang maibalik sa active status ang kanilang voter registration.

Makikipagtulungan din umano ang COMELEC sa mga organisasyon ng kabataan, kabilang ang SK Federation, upang mapalawak ang kampanya at maipaliwanag ang kahalagahan ng pagpaparehistro at pagboto sa mga halalan.

Ibinahagi rin ni Julia na isa sa mahahalagang aral mula sa katatapos na plebisito sa Naga City ang pangangailangan ng mas maagang pagpapalaganap ng impormasyon upang magkaroon ng sapat na panahon ang publiko na maunawaan ang mga proseso at mahahalagang usapin.

Dahil dito, paiigtingin pa umano ng kanilang tanggapan ang information dissemination sa pamamagitan ng tradisyonal na media at social media.

Advertisement