Nagsagawa ng Pampamilyang Pulis Program ang Naga City Police Office (NCPO) ngayong Nobyembre 27, 2026, mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon, bilang bahagi ng programa ng Philippine National Police (PNP) na nagbibigay-pagkilala at pagpapahalaga sa mga pamilya ng mga pulis.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Police Lieutenant Colonel Joedan M. Loteriña ng Naga City Police Office (NCPO), sinabi nito na layunin ng programa hindi lamang na mapataas ang moral ng mga kapulisan kundi maipakita rin ang pasasalamat sa kanilang mga pamilya na nagsisilbing inspirasyon at suporta sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin.
Kabilang sa mga aktibidad ang mga nakatakdang talakayan at lecture kasama ang iba’t ibang stakeholders at sektor upang higit na maunawaan ng mga kapamilya, partikular na ng mga asawa ng mga pulis, ang mga karanasan, responsibilidad, at hamong kinakaharap ng kanilang mga mahal sa buhay sa serbisyo.
Lumahok din sa programa ang lahat ng police station, na may tig-isang pamilyang kinatawan mula sa bawat yunit.
Hinimok ni Loteriña ang mga pamilya ng mga kapulisan na patuloy na suportahan ang kanilang mga mahal sa buhay, partikular sa kabila ng stress at iba pang hamong nararanasan ng mga ito sa kanilang trabaho.
Binigyang-diin nito na mahalaga ang suporta ng pamilya upang mapatatag ang samahan at mapanatili ang dedikasyon ng mga pulis sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin.














