NAGA CITY- Patay ang anak ng isang alkade habang kritikal naman ang isa pa matapos masalpok ng isang truck ang minamanehong motorsiklo sa Racelis Avenue corner Rizal Avenue sa Lucban, Quezon.

Kinilala ang binawian ng buhay na si Guitahm Oli Dator, 17-anyos, anak ni Lucban Mayor Celso Olivier Dator habang ang sugatan naman ay si Sydney Mykel Saliendra, 20-anyos isang empleyado ng LGU-Lucban.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMaj. Jerry Abalos, OIC ng Lucban Municipal Police Station, sinabi nito na dakong alas-9 ng gabi nang mangyari ang insidente.

Aniya, habang binabaybay ng mga biktima ang nasabing kalsada lulan ng tig-isang motorsiklo nang salubungin ito ng humahagibis na truck na minamaneho naman ni Brian Abana, 32-anyos.

Dahil sa lakas ng pagkakasalpok, tumilapon ang mga biktima at nakaladkad pa ng truck ang mga katawan nito sa kalsada.

Agad naman na dinala sa ospital ang mga biktima ngunit tuluyan nang binawian ng buhay si Dator habang kritikal pa rin ang kalagayan ni Saliendra

Samantala, kasalukuyan ng nakadetine sa himpilan ng Lucban MPS si Abana at posible itong maharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide, Serious Physical Injuries and Damage to Property.