Kinumpirma ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na umano’y namataan sa Cavite si gaming businessman Atong Ang na isa sa mga akusado sa kaso ng nawawalang sabungeros.

Sa isang forum ng Kapihan ng Samahang Plaridel, sinabi ni Remulla na nasa Pilipinas pa umano si Ang at huli itong namataan sa Cavite noong nakaraang buwan.

Ayon sa kalihim, agad na nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad kasama ang mahigit 300 tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) upang arestuhin si Ang.

Gayunman, sinabi ni Remulla na nakatakas na umano ang negosyante bago pa man dumating ang mga operatiba sa lugar.

Advertisement

Aniya, halos maabutan na nila si Ang dahil maging ang pagkain umano sa pinagtataguan nito ay naroon pa nang dumating ang mga awtoridad.

Nahaharap si Ang at iba pang akusado sa mga kasong kidnapping with homicide at kidnapping and serious illegal detention kaugnay ng pagkawala ng ilang sabungeros.

Nauna nang itinanggi ni Ang ang lahat ng alegasyon laban sa kanya.

Naglabas na rin ng Interpol red notice laban kay Ang noong Abril, habang may nakalaang ₱20 milyong pabuya para sa impormasyong magtuturo sa kanyang pagkakaaresto.

Advertisement