Sinang-ayunan ni BB Gandanghari ang panukalang amyendahan ang Juvenile Justice and Welfare Act upang ibaba ang edad ng criminal responsibility mula 15 taong gulang sa 10 taong gulang.
Sa isang Facebook Live kasama si Senador Robin Padilla, sinabi ni BB na nauunawaan at sinusuportahan niya ang layunin ng naturang panukala.
Ayon kay BB, hindi layunin ng panukala na parusahan o ikulong ang mga batang nasa edad 10, kundi magkaroon ng sapat na “deterrent” o panghadlang upang maiwasan nilang masangkot sa mga krimen.
Muling nabuksan ang usapin hinggil sa pagbaba ng minimum age of criminal responsibility matapos ang insidente ng pamamaril sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong estudyante.
Isa si Senador Robin Padilla sa mga nagsusulong na muling pag-aralan ang naturang panukala. Gayunman, mariin itong tinututulan ng Akbayan Party-list, na nagsabing hindi dapat gamitin ang naturang trahedya upang isulong ang isang panukalang, ayon sa kanila, ay hindi makabubuti sa kapakanan ng mga bata.
Bukod sa mungkahing pagbabago sa Juvenile Justice Law, isinusulong din ni Robin Padilla ang pagkakaroon ng limitasyon sa paggamit ng social media ng mga menor de edad.










