Photo© Naga City Government

Nakatakdang humarap ang pamunuan ng CASURECO 2 sa Sangguniang Panlungsod sa Hulyo 23, 2026 upang magbigay ng opisyal na paliwanag hinggil sa pagtaas ng singil sa kuryente.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Rinner Bucay, Spokesperson, Casureco 2, hindi ito ang unang pagkakataon na nagsagawa sila ng ganitong hakbang upang direktang maipaliwanag sa mga opisyal ng pamahalaan at mga miyembro-konsumidor ang mga dahilan ng pagbabago sa power rate. Nauna na rin silang nagtungo sa iba’t ibang bayan tulad ng Pili, Bombon, Calabanga, Tinambac, at Siruma upang talakayin ang parehong usapin.

Patuloy rin ang pagbibigay ng impormasyon ng CASURECO 2 sa publiko sa pamamagitan ng social media platforms at mga programa sa radyo upang linawin ang mga katanungan ng mga konsumidor.

Nasa ₱12.59 kada kilowatt-hour (kWh) ang kasalukuyang singil ng kooperatiba nitong Hunyo 2026. Bagama’t nagkaroon ng pagtaas, sinabi ng CASURECO 2 na nananatili pa rin itong mas mababa kumpara sa ilang lugar sa Metro Manila na umaabot sa ₱14 hanggang ₱15 kada kWh.

Advertisement

Ipinaliwanag ng kooperatiba na ang pagtaas ng power rate ay hindi lamang lokal na isyu kundi bahagi ng mas malawak na sitwasyon sa buong bansa. Kabilang sa mga pangunahing dahilan ang pagtaas ng presyo ng imported coal na ginagamit ng ilang power plant, pati na rin ang mataas na demand sa kuryente tuwing peak season mula Hunyo hanggang Setyembre.

Binigyang-diin ng CASURECO 2 na wala silang direktang kontrol sa presyo ng kuryente mula sa mga supplier at sa mga pambansang polisiya na nakaaapekto sa industriya. Ang kanilang pangunahing tungkulin ay ang pamamahala sa distribusyon ng kuryente, habang ang presyo ay naaapektuhan ng supply at demand sa National Grid at mga patakarang itinatalaga sa sektor ng enerhiya.

Inaasahang magpapatuloy ang mas mataas na singil sa mga susunod na buwan habang minomonitor ang kalagayan ng suplay ng kuryente at mga pandaigdigang presyo ng enerhiya. Samantala, tiniyak ng CASURECO 2 ang patuloy na pakikipag-ugnayan sa pamahalaan at publiko upang maipaliwanag ang mga dahilan sa likod ng power rate hike.

Advertisement