Iniimbestigahan na ng Commission on Elections (Comelec) ang mga kumakalat na video na umano’y nagpapakita kay Batangas 1st District Representative Leandro Leviste na namimigay ng pera sa ilang indibidwal.

Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, nagsasagawa na ng fact-finding investigation ang ahensya upang matukoy kung kailan naganap ang insidente at kung kandidato na si Leviste noong mga panahong iyon.

Sinabi ni Garcia na mahalagang maberipika kung may kaugnayan ang insidente sa panahon ng halalan upang malaman kung may nalabag na election laws.

Sa panig naman ni Leviste, itinanggi niyang may kinalaman sa eleksyon ang naturang pamimigay ng pera at iginiit na nangyari ito noong Pasko at mula umano sa kanyang sariling bulsa.

Advertisement

Inakusahan din ni Leviste si Executive Secretary Ralph Recto na umano’y nagpapakalat ng nasabing video sa social media, bagaman wala pang kumpirmasyon mula sa kampo nito.

Ayon kay Leviste, hindi dapat agad husgahan ang kanyang pagtulong lalo na kung hindi ito ginawa sa panahon ng eleksyon at hindi rin umano nangyari sa kanyang distrito.

“Pinapakalat ang video ng pamimigay ko ng pera noong Pasko na galing sa sarili kong bulsa,” ani Leviste sa kanyang pahayag.

Samantala, muling pinaalalahanan ng Comelec ang publiko at mga kandidato na mahigpit na ipinagbabawal ng batas ang vote-buying at vote-selling na kapwa itinuturing na election offense.

Advertisement