Inatasan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang mga ahensya ng pamahalaan na mahigpit na bantayan ang posibleng epekto ng El Niño sa sektor ng lokal na bigas.

Pinangunahan ng Department of Agriculture ang koordinasyon sa ilalim ng Masagana Rice Industry Development Program, kasama ang Philippine Rice Research Institute, upang matiyak ang kahandaan laban sa inaasahang tagtuyot. Nakikipag-ugnayan din ang ahensya sa National Irrigation Administration para sa maayos na pamamahala ng alokasyon ng tubig at suporta sa mga magsasaka.

Kasabay nito, pinalalakas ng DA ang tulong sa mga magsasaka dahil sa tumataas na halaga ng farm inputs, lalo na ang fertilizer, na apektado ng tensyon sa Gitnang Silangan at pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Ayon kay Tiu Laurel, inatasan na niya ang mga kinauukulan na maghanda para sa “worst-case scenario” upang mabawasan ang epekto ng El Niño sa produksyon ng agrikultura, kita ng mga magsasaka, at kabuuang ekonomiya.

Advertisement

Batay sa datos ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration, may 92% posibilidad ng katamtaman hanggang malakas na El Niño sa bansa ayon sa El Niño-Southern Oscillation outlook.

Dagdag pa rito, may ilang global climate models na nagpapakita ng posibilidad ng isang “super” El Niño, na maaaring magdulot ng matinding kakulangan sa ulan at malaking epekto sa mga pinagkukunan ng tubig sa mga agricultural area.

Advertisement