NAGA CITY- Arestado ang dalawa katao sa isinagawang magkasunod na buy-bust operation sa lungsod ng Naga.

Kinilala ang mga suspek na sina Jerry Lachano, 38-anyos, residente ng Brgy. Calauag, sa nasabing lungsod at si Jovito Agdoro, 47-anyos, residente naman ng Brgy. Sabang.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PSMSgt. Toby Bongon, tagapagsalita ng Naga City Police Office (NCPO), sinabi nito na sa pamamagitan ng P500, ikinasa ang operasyon laban kay Lachano.

Dagdag pa nito, nakumpiska naman dito ang kalibre .38 baril.

Samantala, medyo malaking halaga rin ang nakumpiska ng mga otoridad kay Agdoro sa kaparehong operasyon.

Ayon kay Bongon, gamit ang P20,000, nakuha laban dito ang nasa 15 gramo ng pinaniniwalaang shabu na nagkakahalaga ng mahigit-kumulang P102,000.

Ayon pa sa opisyal, ito na ang pinaka-unang matagumpay na operasyon sa buwan ng Marso.

Sinabi pa nito na noong Enero, 11 ang operasyon kaugnay ng iligal na droga ang naikasa ng mga otoridad at 12 naman noong buwan ng Pebrero.

Tiniyak naman ni Bongon na hindi tumitigil ang kanilang operatiba sa kanilang monitoring at operasyon sa mga iligal na gawain.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang mga suspek para sa karampatang disposiyon.