Inihayag ni Erwin Tulfo na may hindi bababa sa dalawang senador na nagpahayag umano ng kagustuhang lumipat sa mayorya sa Senado, ngunit nahaharang umano ang kanilang paglipat dahil sa pagtutol ni Alan Peter Cayetano.
Sa isang panayam, sinabi ni Tulfo na bukod kay Joel Villanueva, na nagpahayag na dadalo sa special session ngayong Hunyo 17, mayroon pang dalawang senador na nais umanong makibahagi sa grupo na pinamumunuan ni acting Senate President at Senate President Pro Tempore na si Sherwin Gatchalian.
“Mayroon diyang dalawa, at least dalawa na senador na nagpahayag, nagpaparating na gusto nilang magtrabaho. Kinokontra lang, pinipigilan ni Senator Alan Cayetano. Kaya hindi makapasok,” ayon kay Tulfo.
Ayon pa sa senador, nangangamba umano ang dalawang mambabatas sa posibleng epekto ng kanilang paglipat ng panig, kabilang ang mga batikos at pag-atake mula sa mga vlogger at troll na sumusuporta sa kabilang grupo.
“Dahil ang banta rin sa kanila, ‘pag pumasok kayo diyan, yung backlash, yung banat sa inyo ng mga vlogger, mga troll, sisirain ang buhay niyo,” dagdag niya.
Sinabi rin ni Tulfo na pinag-iisipan umano ng dalawang senador kung paano sila makalilipat sa bagong mayorya nang hindi nadadamay ang kanilang mga pamilya sa anumang negatibong reaksiyon na maaaring kaharapin.
Samantala, nakatuon ang pansin sa special session ng Senado ngayong araw kung saan inaasahang magiging malinaw kung may mga senador na pormal nang lilipat sa hanay ng bagong mayorya. Wala pang inilalabas na opisyal na pahayag mula kay Cayetano kaugnay ng mga paratang ni Tulfo sa oras ng pag-uulat.














