Suportado ng Department of Economy, Planning and Development (DEPDev) ang panukalang magbabawas ng income tax para sa mga low-income at middle-class na Pilipino upang makatulong sa gitna ng tumataas na presyo ng mga bilihin at epekto ng krisis sa fuel sa Middle East.
Ayon kay DEPDev Secretary Arsenio Balisacan, makatutulong ang panukalang bawas buwis upang madagdagan ang take-home pay ng mga manggagawa at mapalakas ang kanilang purchasing power.
Kabilang sa mga panukala ang pagtaas ng tax exemption mula P250,000 hanggang P400,000 at pagtaas ng tax-free bonuses mula P90,000 hanggang P150,000 sa ilalim ng Senate Bill 56 na inihain ni Senator Sherwin Gatchalian.
Gayunman, nagbabala si Balisacan na kailangang matiyak muna ng pamahalaan kung saan kukunin ang pondo para sa mahahalagang proyekto at serbisyo publiko sakaling bumaba ang koleksyon ng buwis.
Kabilang sa mga maaaring maapektuhan ang pondo para sa mga paaralan, ospital, at mga imprastraktura.
Giit ng kalihim, bagama’t makatutulong ang bawas buwis sa mga mamamayan, maaari rin itong makaapekto sa kakayahan ng gobyerno na pondohan ang mga pangunahing serbisyo kung walang alternatibong mapagkukunan ng kita.
Ayon pa kay Balisacan, mahalagang makahanap muna ng kapalit na revenue source bago ipatupad ang malawakang tax cuts upang hindi mas lalong maapektuhan ang mismong mga sektor na nais tulungan ng pamahalaan.
Dagdag ng ahensya, dapat tiyakin na may sapat na pinagkukunan ng kita upang mapanatili ang maayos na serbisyo ng gobyerno habang ipinapatupad ang mga reporma sa pagbubuwis.














