Posibleng mawalan ng tinatayang P226 bilyon hanggang P232 bilyon ang ekonomiya ng Pilipinas kung ipatutupad ang total deployment ban ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa Middle East, ayon kay Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) Secretary Arsenio Balisacan.
Ayon kay Balisacan, maaaring mangyari ang pagkawala ng nasabing halaga kung sakaling ma-repatriate o mapauwi ang humigit-kumulang 550,000 Pilipinong kasalukuyang nagtatrabaho sa rehiyon.
Dagdag pa niya, ang halagang ito ay katumbas ng halos 65 porsiyento ng kabuuang remittances o perang ipinapadala ng mga OFW mula sa Middle East patungo sa Pilipinas.
Dahil dito, posibleng magkaroon ng malaking epekto hindi lamang sa kabuhayan ng mga manggagawang Pilipino kundi pati na rin sa kabuuang ekonomiya ng bansa.
Batay sa datos ng Department of Foreign Affairs (DFA), tinatayang nasa 2.41 milyong Pilipino ang nagtatrabaho sa iba’t ibang bansa sa Middle East.
Pinakamarami sa kanila ay nasa United Arab Emirates na may humigit-kumulang 975,000 OFW, kasunod ang Saudi Arabia na may 813,000, Qatar na may 250,000, at Kuwait na may 211,000 Pilipinong manggagawa.
Samantala, may tinatayang 31,000 Pilipinong OFW sa Israel at nasa 800 naman ang nagtatrabaho sa Iran.
Binigyang-diin ni Balisacan na ang anumang hakbang na maglilimita sa deployment ng mga OFW sa Middle East ay maaaring magdulot ng malaking epekto sa remittances at sa kabuuang ekonomiya ng Pilipinas.












