Photo @ web

Inirekomenda ng Department of Justice na sampahan ng kaso ang dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at iba pa kaugnay ng umano’y paglabag sa Anti-Dummy Law, ayon sa National Bureau of Investigation.

Ayon sa NBI, naglabas ang DOJ ng resolusyon na nag-aapruba sa motion for reconsideration ng ahensya, na nagrerekomenda ng pagsasampa ng kaso laban kay Guo at mga kasamahan nito.

Nauna nang nagsampa ng reklamo ang NBI kaugnay ng falsification of documents at paglabag sa Anti-Dummy Law kaugnay ng operasyon ng isang kumpanya sa Pangasinan.

Ayon sa imbestigasyon, may ilang incorporators umano na nagpanggap ng maling identidad at nasyonalidad upang makaiwas sa batas na nagbabawal sa dayuhang pagmamay-ari ng lupa sa bansa.

Advertisement

Una nang ibinasura ng mga piskal ng DOJ ang reklamo kaugnay ng Anti-Dummy Law, kaya nagsampa ng motion for reconsideration ang NBI na nagresulta sa bagong resolusyon.

Giit ng NBI, mahalaga ang naturang hakbang upang mapanagot ang mga sangkot at matiyak ang pananagutan sa umano’y mga paglabag sa batas.

Patuloy pang inaasahan ang susunod na legal na hakbang laban sa mga respondent habang isinasapinal ang mga kaso sa korte.

Advertisement