Maglalaan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng P30 bilyon para sa cash aid sa mga Pilipinong apektado ng pagtaas ng presyo ng gasolina, kabilang na ang mga tricycle at jeepney drivers.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, manggagaling ang pondo sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng ahensya, at magbibigay ng P5,000 na cash aid kada benepisyaryo. “Ang instruction sa amin ng ating Pangulo ay P30 bilyon ilaan kaagad dahil hindi natin alam kung kailan matatapos ang krisis,” ani Gatchalian sa isang panayam sa Unang Hirit ng GMA Network.
Ang unang rollout ng cash assistance ay magsisimula sa Metro Manila sa Martes, Marso 17, na saklaw ang humigit-kumulang 139,000 tricycle drivers. Plano ng DSWD na palawakin ang programa sa iba pang rehiyon sa bansa matapos ang inisyal na pamamahagi.
Nilinaw ni Gatchalian na hiwalay ang cash aid sa fuel subsidy na ipinamimigay ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB). Kinakailangan lamang ng mga benepisyaryo na magdala ng valid driver’s license at kopya nito sa araw ng payout. Sisiguraduhin din ng DSWD ang integridad ng programa sa pamamagitan ng pag-verify ng mga identidad at paghawak ng kanilang personnel sa mismong pamamahagi.
“Kung humaba ang krisis, handa ang gobyerno. Ang P5,000 ay paunang tulong upang agad maramdaman ng mga tao na nandito ang gobyerno para sa kanila,” dagdag pa ni Gatchalian.













