Naglaan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng paunang P464,000 na humanitarian assistance para sa mga nakaligtas at pamilya ng mga nasawi sa pagguho ng isang gusaling itinatayo sa Angeles City nitong linggo.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, iniutos ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang agarang profiling sa mga na-rescue upang agad silang mabigyan ng kinakailangang tulong kabilang ang financial assistance at burial assistance para sa mga pamilya ng mga nasawi.
Kabilang sa mga naipamahaging ayuda ang family food packs, non-food items, ready-to-eat food boxes, financial aid, at psychosocial interventions para sa mga biktima at kanilang mga pamilya.
Nagbigay rin ang DSWD ng transportation assistance sa siyam na manggagawang nais nang umuwi sa kani-kanilang probinsya sa Bicol Region matapos mawalan ng trabaho dahil sa insidente.
Ayon pa sa ahensya, pagkabalik ng mga manggagawa sa kanilang mga lalawigan ay bibigyan sila ng livelihood assistance sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program upang makatulong sa kanilang muling pagbangon.
Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng DSWD sa lokal na pamahalaan ng Angeles City at iba pang ahensya upang matiyak na mabibigyan ng sapat na suporta ang lahat ng apektadong pamilya at survivors ng trahedya.














