Nagbigay ng psychosocial at financial assistance ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), sa pamumuno ng Assistant Secretary ng Disaster Response and Management Group na si DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, sa mahigit 2,500 overseas Filipino workers (OFWs) na naapektuhan ng patuloy na sigalot sa Middle East.
Ayon kay Dumlao, umabot na sa 2,110 repatriated individuals, karamihan ay mga OFW, ang nabigyan ng tulong ng pamahalaan pagdating nila sa Pilipinas.
Agad umanong binibigyan ng psychosocial first aid (PFA) ng DSWD ang mga dumadating na OFW, habang isinasailalim sa assessment ng mga social worker upang matukoy ang karagdagang pangangailangan ng bawat isa.
Kabilang sa mga natulungan ang mga OFW na nagmula sa United Arab Emirates, Kingdom of Saudi Arabia, Israel, Iraq, Kuwait, Bahrain, at Qatar.
Nagbigay rin ang ahensya ng psychosocial first aid sa 409 OFWs na na-stranded sa iba’t ibang paliparan sa UAE, Saudi Arabia, Bahrain, Kuwait, Ireland, Portugal, Iraq, at Oman dahil sa mga travel restriction na dulot ng tensyon sa Gulf region.
Bukod dito, mahigit ₱1 milyon na financial assistance ang naipamahagi sa 203 repatriated OFWs, habang ₱300,000 na medical assistance naman ang ibinigay sa isang OFW na nangangailangan ng tulong medikal.
Sinabi rin ni Dumlao na sinimulan na ng DSWD ang livelihood assistance sa mga nagbalik na OFW, kung saan limang benepisyaryo na ang tumanggap ng tig-₱20,000 sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program.














