Nagpamahagi na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng mahigit ₱7.3 bilyon na cash aid sa higit 1.4 milyong public utility vehicle (PUV) drivers sa buong bansa, ayon kay Asst. Secretary at DSWD spokesperson Irene Dumlao.
Ayon kay Dumlao, patuloy ang distribusyon ng tulong para sa lahat ng rehistrado at lehitimong drivers na kabilang sa validated lists mula sa Transport Network Companies (TNCs).
Dagdag pa niya, nagpapatuloy ang payout para sa jeepney at tricycle drivers sa labas ng National Capital Region (NCR), habang may nakatakdang special payout schedule naman para sa PUV drivers sa NCR, kabilang ang Transport Network Vehicle Service drivers, motorcycle taxi drivers, at delivery riders.
Ang programa ay bahagi ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport framework na layong tulungan ang sektor ng transportasyon na apektado ng pagtaas ng presyo ng langis at geopolitical tensions sa Middle East.
Ipinapamahagi ang cash aid sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng DSWD, na nagbibigay ng agarang pinansyal na suporta sa mga PUV drivers na nawalan o nabawasan ang kita.














