Nahaharap sa reklamong graft sa Office of the Ombudsman ang dating gobernador ng Antique na si Rhodora Cadiao at ilang opisyal ng lalawigan kaugnay ng umano’y iregular na paglalabas ng P531 milyon para sa konstruksyon ng provincial government center.
Batay sa complaint-affidavit na inilabas sa media nitong Miyerkules, inakusahan nina Jon Sherwin Pacete at Wilson Geronimo ang mga opisyal na nagpatuloy sa proyekto kahit may mga hadlang sa regulasyon.
Ayon sa reklamo, umabot na sa 55 porsiyento ang konstruksyon ng proyekto pagsapit ng kalagitnaan ng 2025 sa kabila ng mga isyu sa land-use classification at kawalan umano ng kinakailangang permit.
Nakasaad sa dokumento na humiling si Cadiao noong 2022 na baguhin ang classification ng lupang pagtatayuan mula agricultural patungong institutional use, ngunit tinanggihan ito ng Sangguniang Bayan ng San Jose de Buenavista noong Pebrero 2023.
Binanggit din sa reklamo ang sertipikasyon noong Pebrero 18 mula sa Office of the Building Official ng San Jose de Buenavista na nagsasabing walang naaprubahang building permit para sa naturang proyekto.
Dagdag pa rito, sinasabing naglabas din ng notices of violation at work stoppage order dahil sa paglabag sa National Building Code.
Sa kabila nito, umano’y inaprubahan at inilabas pa rin ng mga respondent ang mobilization at partial progress payments para sa contractor na F. Gurrea Construction.
Sa complaint-affidavit, tinukoy na pangunahing isyu kung maaaring legal na gamitin ang pondo ng gobyerno para sa isang proyekto na may hindi pa nareresolbang isyu sa land-use classification, kawalan ng building permit, work stoppage order, at lokasyong sakop umano ng irrigation service area.
Bukod kay Cadiao at sa contractor, kabilang din sa mga respondent sina Provincial Accountant Esther Minnie Julian, Provincial Treasurer Joyce Suriaga, Provincial Engineer at Bids and Awards Committee (BAC) Vice Chairman Inocencio Dajao Jr., dating Provincial Administrator at BAC Chairman Nery Duremdes, dating BAC Vice Chairman Nicolasito Calawag Jr., dating BAC members Rachel Gindap at Rene Oberio, at dating BAC Secretariat member Bienvenido Nallos Jr.
Binanggit din sa reklamo ang posibleng paglabag sa Article 171 (Falsification) at Article 220 (Illegal Use of Public Funds) ng Revised Penal Code.
Samantala, sinabi ng ABS-CBN News na sinusubukan pa nilang makuha ang panig ni Cadiao kaugnay ng naturang reklamo.














