Iginiit ng ilang transport group na hindi sapat ang fuel subsidy na ibinibigay ng pamahalaan upang matugunan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa kita ng mga public utility vehicle (PUV) driver.
Sa pagdinig ng House Committee on Transportation nitong Miyerkules, sinabi ni Manibela President Mar Valbuena na halos kalahati ng kita ng mga traditional jeepney driver ang nawawala dahil sa mataas na presyo ng gasolina.
Ayon kay Valbuena, umaabot na sa P400 hanggang P500 ang nababawas sa arawang kita ng mga driver, na karaniwang nasa P800 kada araw matapos ang 12 hanggang 14 na oras na pamamasada.
“As of kahapon, nag-a-average na kami sa P400 to P500 na nawawalang kita. Ngayon kung magpapatuloy itong pagtaas ng petrolyo, baka mas malaki pa ang mawala sa average na kita namin,” ani Valbuena sa pagdinig.
Dagdag niya, kahit pa mapabilis ang paglabas ng fuel subsidy mula sa Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), nananatili itong hindi sapat dahil sa malaking pagtaas ng presyo ng langis mula sa dating nasa P55 hanggang P60 kada litro patungong humigit-kumulang P90.
Bilang huling hakbang, sinabi ni Valbuena na maaaring humiling ang mga transport group ng P2 provisional fare increase.
Suportado naman ito ni Liga ng Transportasyon at Operators ng Pilipinas (LTOP) President Orlando Marquez, na nagsabing posibleng tumigil sa pamamasada ang ilang driver kung patuloy na bababa ang kanilang kita.
Samantala, nanawagan si Leonard Bautista, kinatawan ng modern jeepney cooperatives, na isama ang modern jeepneys sa Service Contracting Program ng pamahalaan upang makatulong sa gastos sa maintenance at pagbabayad sa mga bangko.
Ayon sa DOTr, may nakalaang P2.5 bilyon para sa fuel subsidy program ng pamahalaan. Tinatayang 55 porsyento nito ang mapupunta sa humigit-kumulang 247,760 traditional at modern jeepneys, UV Express vans, at transport network vehicle service (TNVS) units.
Mayroon ding 33 porsyento ng pondo para sa tinatayang 723,000 tricycle at 11 porsyento naman para sa nasa 150,000 delivery riders.
Gayunman, sinabi ng ilang tricycle driver na marami sa kanilang sektor ang hindi pa nakatanggap ng mga naunang fuel subsidy mula sa pamahalaan.
Nagbabala naman si Department of Finance Director Jolly La Rosa na maaaring mahirapan ang gobyerno na ipagpatuloy ang subsidy program kung magtatagal ang sigalot sa Middle East at mananatiling mataas ang presyo ng langis.
Samantala, iminungkahi ni Caloocan City 2nd District Representative Edgar Erice na alisin ang excise tax at value-added tax sa fuel upang makatulong sa pagpapababa ng presyo ng langis sa bansa.













