NAGA CITY – Tanging hustisya pa rin ang sigaw ng pamilya ng dalagitang natagpuan na wala nang buhay at nasa state of decomposition na noong Hulyo 28, 2023 sa Brgy. Liboton, Naga City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Roger Bandojo, ama ng 17-anyos na biktima, sinabi nito na patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Naga City Police Office para masubaybayan at matutukan ang imbestigasyon sa kaso ng kaniyang anak.

Kaugnay dito, may mga indibidwal na umanong kinukunan ng statement ang mga awtoridad ngunit hindi pa rin ito madali dahil na rin sa kawalan ng testigo na makakapagturo kung sinong ang may kagagwan sa karumal-dumal na krimen.

Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin matanggap ng kanilang buong pamilya ang sinapit ng biktima na bibili lamang sana ngunit bangkay na nang matagpuan.

Ngunit sa kabila nito, nagpapasalamat pa rin si Bandojo sa lahat ng tumulong sa kanilang pamilya kasama na rito ang batch ng Camarines Sur National High School, mga friends sa facebook, mga kagawad ng media at ang buong lungsod.

Sa ngayon, hangad na lamang ng ama ng biktima na makuha ng kaniyang anak ang hustisya at agad na maaresto ang mga taong gumawa ng karumal-dumal na krimen.