Humiling ang Prosecution sa International Criminal Court (ICC) Pre-Trial Chamber I na muling iklasipika bilang pampubliko ang bahagi ng isang dokumento ng depensa sa kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, matapos alisin o i-redact ang pangalan ng anim na Filipino na abogado na binanggit sa isinumite.

Ayon sa ICC Prosecution, walang sapat na batayan ang depensa upang itago sa publiko ang impormasyon na naglilinaw na sina Salvador Medialdea, Salvador Panelo, Martin Delgra III, Silvestre Bello III, Alfredo Lim Jr., at Cesar Dulay ay hindi kabilang sa legal defense team ni Duterte sa kasong crimes against humanity.

Giit ng Prosecution, ang paliwanag ng depensa na layunin ng redaction ay upang protektahan ang “dignidad” ng mga nabanggit na abogado ay hindi sapat upang isantabi ang prinsipyo ng pagiging bukas o public proceedings sa ICC. Para sa kanila, walang malinaw na paliwanag kung paanong makakasira sa reputasyon ng mga abogado ang simpleng pag-amin na hindi sila bahagi ng defense team.

Idinagdag pa ng Prosecution na mahalagang mailahad ang impormasyon sa publiko upang maiwasan ang pangamba ng mga potensyal na testigo at biktima, at upang hindi maapektuhan ang patuloy na imbestigasyon ng ICC.

Advertisement

Matatandaang una nang sinabi ng Prosecution na maaaring nagdulot ng kalituhan ang mga pahayag ng depensa, na tila nagmumukhang kabilang ang anim na abogado sa legal team ni Duterte. Dahil dito, hiniling nila na malinaw na kumpirmahin ito sa rekord.

Tumugon naman ang depensa at iginiit na hindi sila kabilang sa legal team ng dating pangulo, ngunit kalaunan ay binura ang naturang impormasyon sa pampublikong bersyon ng dokumento, dahilan ng reklamo ng Prosecution.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng kampo ni Duterte noong Pebrero na ang anim na abogado ay tutulong sa kanyang representasyon sa ICC hearings.

Kasalukuyang nakakulong si Duterte sa Scheveningen Prison sa The Hague habang nahaharap sa kasong crimes against humanity kaugnay ng kanyang war on drugs, na umabot umano sa mahigit 6,000 hanggang posibleng 30,000 na pagkamatay ayon sa iba’t ibang ulat.

Inaasahang magsisimula ang pormal na paglilitis sa pagitan ng Oktubre 2026 at Pebrero 2027.

Advertisement