Magpapatupad ang pamahalaan ng Indonesia ng bagong regulasyon na maglilimita sa paggamit ng social media ng mga batang wala pang 16 taong gulang, bilang hakbang upang maprotektahan ang mga menor de edad laban sa cyberbullying, online fraud, pornograpiya, at social media addiction.

Ipinahayag ng Ministry of Communications and Digital ng Indonesia na magsisimula itong higpitan ang access sa social media ng mga batang wala pang 16 taong gulang sa ilalim ng isang ministerial regulation na inilabas nitong Biyernes.

Ayon kay Communications and Digital Minister Meutya Hafid, unti-unting ide-deactivate simula Marso 28 ang mga social media account na pag-aari ng mga batang wala pang 16 sa mga tinukoy na “high-risk platforms.”

Kabilang sa mga platform na maaapektuhan ng bagong patakaran ang TikTok, Facebook, Instagram, at Roblox.

Advertisement

Ipinaliwanag ni Hafid na dadaan sa gradual o paunti-unting proseso ang implementasyon hanggang matiyak na sumusunod ang lahat ng social media platforms sa bagong regulasyon ng pamahalaan.

Aminado rin ang opisyal na maaaring makaranas ng pagtutol ang hakbang mula sa mga bata at maging ng kalituhan sa mga magulang sa unang yugto ng pagpapatupad nito.

“Maaaring magreklamo ang mga bata at malito ang mga magulang sa pagharap sa kanilang mga hinaing, ngunit kailangan nating unahin ang kaligtasan ng ating kabataan,” pahayag ni Hafid.

Dagdag pa niya, nahaharap umano ang mga kabataan sa iba’t ibang panganib online, kabilang ang cyberbullying, online scams, at labis na paggamit ng social media.

Kapag naisakatuparan, magiging kauna-unahang bansang hindi mula sa Kanluran ang Indonesia na magpapatupad ng ganitong restriksyon sa social media para sa mga menor de edad.

Nauna nang nagpatupad ng kahalintulad na hakbang ang Australia noong Disyembre sa pamamagitan ng pagbabawal ng social media para sa mga wala pang 16 taong gulang. Inanunsiyo rin ng Spain at Malaysia ang kanilang planong ipagbawal ang access sa social media ng mga menor de edad sa parehong edad.

Batay sa survey ng asosasyon ng internet service providers sa Indonesia, umabot sa 79.5 porsiyento ang internet penetration sa bansa noong 2024. Lumabas din sa pag-aaral na 48 porsiyento ng mga batang wala pang 12 taong gulang ay may access na sa internet, at ilan sa kanila ay gumagamit ng Facebook, Instagram, at TikTok.

Samantala, hindi pa naglalabas ng opisyal na pahayag ang mga kumpanyang nagmamay-ari ng mga naturang platform hinggil sa bagong regulasyon.

Advertisement