NAGA CITY-Patay ang isang magsasaka pagkatapos itong pagbabarilin sa Guinayangan, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Carlito Devera Bautista, 51-anyos, residente ng Brgy. Capuluan Central ng nabanggit na bayan.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na nakakuha aniya ng tawag ang Guinayangan Municipal Police Station na may nangyaring insidente ng pamamaril sa Brgy. Capuluan Central, kung saan kaagad naman silang nagtungo sa pinangyarihang lugar.

Base sa imbestigasyon ng mga awtoridad, alas 10:45 ng gabi habang nakahiga ang biktima sa isang duyan sa labas ng bahay nito nang bigla na lang dumating ang suspek sa likod ng biktima at pinagbabaril ito ng tatlong beses na kaagad nitong kinamatay.

Kaagad naman na tumakas ang suspek papuntang Buenavista pagkatapos ng insidente.

Sa ngayon nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad tungkol sa nangyaring insidente.