Inanunsyo ng Japan Meteorological Agency (JMA) ang bagong kategorya para sa matinding init ng panahon kung saan ang temperaturang umaabot sa 40°C pataas ay tatawaging “cruelly hot” o “kokusho-bi.”

Layunin ng bagong termino na mas epektibong makapagbabala sa publiko laban sa mapanganib na mataas na temperatura, kasabay ng patuloy na pagdami ng heatwave days sa bansa.

Noong nakaraang taon, naitala ng Japan ang pinakamainit nitong summer mula pa noong 1989, na itinuturing na indikasyon ng patuloy na pag-init ng klima.

Ayon sa ahensya, ang bagong pangalan ng kategorya ay batay sa isinagawang survey kung saan umabot sa 478,000 ang mga sumagot. Pinaka-popular ang “cruelly hot,” na sinundan ng “super-extremely hot day” o “cho-mosho-bi.”

Advertisement

Kabilang din sa mga mungkahi ng publiko ang “sauna day,” “stay-at-home day,” at “boiling day.”

Idaragdag ang bagong klasipikasyon sa umiiral na sistema ng JMA kung saan ang 25°C pataas ay tinuturing na “summer day,” 30°C pataas ay “midsummer day,” at 35°C pataas ay “extremely hot day.”

Sa pamamagitan ng bagong label, inaasahang mas magiging alerto ang publiko sa mga delikadong antas ng init na maaaring magdulot ng heat-related illnesses.

Advertisement