Photo © web

Ihahain ng legal team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang apela laban sa desisyon ng ICC Pre-Trial Chamber na nagkumpirma sa mga kasong kaugnay ng umano’y mga pagkamatay sa ilalim ng kanyang “war on drugs” campaign.

Ayon kay Atty. Nicholas Kaufman, hihiling sila ng pahintulot upang makapag-apela, kasunod ng desisyong kanyang inilarawan bilang “most bizarre” at “Kafkaesque,” o mahirap umanong intindihin. Giit niya, tila pumanig umano ang pre-trial chamber sa prosekusyon at hindi isinasaalang-alang ang karapatan ni Duterte sa patas na paglilitis.

Kinuwestyon din ng kampo ng depensa ang kakulangan umano ng detalye sa mga paratang at ang hindi pagbanggit ng ebidensya sa naturang desisyon.

Samantala, sinabi ni dating Chief Presidential Legal Counsel na si Salvador Panelo na sa kanyang pananaw ay tila “pre-judged” na ang kaso. Inulit din niya ang alegasyon ng umano’y sabwatan sa pagitan ng ICC at ng kasalukuyang administrasyon.

Advertisement

Mariin namang itinanggi ng Malacañang ang nasabing mga paratang. Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary na si Claire Castro, naisampa na ang mga kaso noong 2017 pa, bago pa maupo si Ferdinand Marcos Jr., kaya’t hindi umano ito konektado sa kasalukuyang pamahalaan.

Dagdag pa ng Palasyo, kung walang naganap na mga pagkamatay ay hindi sana aabot sa ICC ang usapin. Anila, ang mga insidente ay naganap sa ilalim ng implementasyon ng “war on drugs” at walang kinalaman ang kasalukuyang Pangulo sa mga ito.

Advertisement