NAGA CITY – Hinahanda na ngayon ang kasong isasampa laban sa suspek na nahulihan ng shabu sa isinagawang buy bust operation sa Zone 3 Triangulo Naga City.

Una nang kinilala ang suspek na si Roselyn Verances Silvestre, 24-anyos, residente ng Sabutan Bukid Silang Cavite.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Naga City Police Office (NCPO), nabatid na gamit ang P500 bilang buy bust money nakabili ang nagpanggap na poseur buyer kay Silvestre ng isang piraso ng knot tied transparent plastic na naglalaman ng pinaniniwalaang shabu na nagkakahalaga ng P600,000.

Maliban dito, narekober din sa suspek ang nasa 300 gramo ng pinaniniwalaang shabu na tinatayang nagkakahalaga naman ng P3,400,000.

Samantala, agad naman na inaresto ang nasabing suspek at sa ngayon nasa kustodiya na ng mga otoridad para sa karampatang disposisyon.